Recent Posts

Baha sa Barangay Tonsuya, City of Malabon

Tuesday, October 20, 2009

Donations for Ondoy Survivors

Sa nakaraang Bagyong Ondoy, marami sa mga member ng komunidad ng Likhaan ang nasalanta. Binaha ng pagkalalim (hanggang bubong ng 1st floor) ang mga taga Malabon. Hanggang tuhod naman ang sa Pasay at may ilang bahay na nabaha sa gilid ng ilog ng San Jose del Monte City.

Nanawagan ng tulong ang Likhaan sa mga kaibigan upang humingi ng tulong para sa mga nasalanta ng Bagyong Ondoy. Marami ang kaagad na tumugon sa aming panawagan at nakalikom ng mga sumusunod:

Cash:
P 1,000.00 - Tita Guy Claudio (para sa buntis na nag-premature delivery)
P 10,000.00 - Dr. Marita Reyes
P 10,000.00 - Alvin Pho
P 2,000.00 - Lalen de Vela
P 5,000.00 - Dr. Jondi Flavier
P 121,270.00 - Hands On Manila Foundation, Inc.
Total: P149,270.00

Goods:
Ms. Mai Taqueban - 240 pcs boiled eggs, 10 pails of biscuits, 5 bottles of alcohol

Dr. Guy Claudio - Clothes, Bread, Cup Noodles, Mineral water, shoes

Danton Remoto - 9 cup noodles, 6 canned goods

Marlea, Coy and Family - 20 Candle sticks, 2 posporo, 36 shampoo, 2 soap, 13 toothbrush and toothpaste, 3 boxes baby and adult clothes, towels, 1 box boiled eggs, 2 plastic bags boiled banana, 24 bottled water, 102 pcs cupcakes, 1 box chocolate cupcake.

Maya Tamayo - 20 kilos rice, clothes, towels, bandanas, 300pcs boiled eggs

Vaila - clothes

Lalen de Vela - kids clothes

UP College of Women Studies - towels, blankets, underwears, clothes, toothbrush, soaps

PNGOC - 5 boxes noodles, 1 box sardines, 1 box coffee and chocolate drink, clothes

UNFPA - 222 Maternal Kits for Malabon, 250 Maternal Kits for Pasay

Mavic Lee and Michael (Guy's Friends) - 1 box sardines, biscuits and clothes

Ms. Yolly Ramos - 97 plastic bags of goods (sardines, rice, noodles)

Ms. Hope Abella - Clothes

Ms. Rochit Tanedo - Clothes

Maraming salamat po sa inyong tulong.

Abortion

Ilegal ang aborsyon sa Pilipinas pero umaabot na ngayon sa kalahating milyon (500,000) ang nagpapalaglag taun-taon. Karamihan sa kanila ay nagkakumplikasyon dahil sa hindi ligtas na pagpapalaglag. Nauuwi sa kamatayan o kaya ay pagkapinsala ng reproductive system ang kumplikasyong dulot ng hindi ligtas na pagpapalaglag. Ang madalas na ginagamit na pamamaraan ay ang catheter, hanger, sanga ng bayabas, coke na sasabayan ng gin at hindi kakain, pagpapahilot, pagpapatapak, pagtatrabaho ng mabibigat, cytotec at kung anu-ano pa. Ang mga ganitong uri ng pagpapalaglag ay karaniwang makikita sa tapat at gilid ng simbahan. Bakit kaya? Yan ang hindi ko pa rin nasasagot hanggang ngayon.

Ang cytotec o misoprostol ang popular na ginagamit. Ngunit, mali ang karaniwang pamamaraan ng paggamit nila nito. Nag research ako tungkol dito. Paraan ng paggamit, kontraindikasyon at kung anu-ano pa. Narito ang sinasaad sa research.

Ang cytotec ay gamot para sa gastric ulcer. Ngunit, sa mga pag-aaral na lumabas, maaari rin itong makapag-contract ng uterus na maaaring maging sanhi ng pagkalaglag ng dinadala. Kung anuman yun, bahala na kayo...

Ayon sa pag-aaral, epektibo ito para sa babaeng hindi dinatnan ng regla (posibleng buntis) sa loob ng 9 weeks o 63 days. 85-90% ang efficacy nito.

Hindi pupwede ang misoprostol o cytotec para sa mga babaeng:
1. may ectopic pregnancy o sa tingin ay nagbubuntis sa labas ng matris (maaaring sa tubo palopo)
2. May IUD sa loob ng matris
3. May allergy sa cytotec o anumang prostaglandins.
4. Nagpapasusong ina. Ngunit ang pagpapaliban ng pagpapasuso sa loob ng 24 oras ay makakatulong upang hindi magdulot ng pagtatae sa sanggol
5. lagpas ng 9 na linggong pagbubuntis.

Matapos mag cytotec, maaaring makaramdam ng alinman sa sumusunod:
1. pagdurugo
2. pananakit ng puson
3. lagnat
4. paglahilo at pagsusuka
5. pagtatae

Paggamit ng misoprostol:
1. Sa loob ng pwerta, ipasok ang 4 na 200 mcg na misoprostol ng sabay. Ulitin ang pagpasok sa pwerta ng 4 na 200 mcg matapos ang 24 oras. Lalabas ang resulta sa loob ng ilang oras o kaya hanggang ikalawang linggo.

2. Sa gilagid, ilagay ang ang 4 na 200 mcg misoprostol at tunawin sa loob ng 20-30 minutes. Kapag hindi natunaw, lunukin. Ulitin matapos ang 3 oras. Ulitin ulit matapos ang 3 oras ulit. Lalabas ang resulta sa loob ng ilang oras o kaya hanggang ikalawang linggo.

Sa Pilipinas, 200 mcg lang available sa black market. Kung saan mang black market iyon, ay hindi ko na alam.

Maaari ring mag browse sa internet para sa karagdagang impormasyon.

Uulitin ko lang, sa Pilipinas BAWAL ang ABORSYON. Pero maraming gumagawa.

Sexually Transmitted Infections

INP o Impeksyon na Nahahawa sa Pakikipagtalik, impeksyon na naipapasa mula sa isang tao papunta sa iba sa pamamagitan ng pakikipagtalik.

Pwedeng titi sa pwerta, titi sa pwet at bibig sa ari ang paraan ng pagpapasa. Maaari ring kahit sa pagkuskos o pagdampi ng bahaging apektado sa titi o puwerta.

Maaaring maipasa ng buntis ang SNP sa kanyang sanggol bago manganak o habang nanganganak.

Parehong babae at lalaki ay maaaring magka-SNP. Pero mas madaling magka-SNP ang babae mula sa lalaki kaysa sa lalaki mula sa babae. (Biological and Social Factors)

Madalas na mahirap makita ang mga palatandaan ng SNP sa mga babae dahil madalas nasa loob ito ng kanilang katawan (reprosystem).

Malalaman mo kung nasa panganib ka na magka-SNP kung:
• mayroon kang higit sa isang kapartner
• may palatandaan ang kapartner mo
• nakatira ang kapartner mo ng malayo sa inyong bahay, o nanniniwala kang may iba syang katalik
• Nagkaroon ka ng bagong ka-partner na maaari ring nagkaroon sya ng kapartner bago pa naging kayo.

Iba’t ibang Uri ng Impeksyon at Sakit na Nahahawa sa Pakikipagtalik:

Hindi Normal na Discharge:

Yeast Infection (Candidiasis):
Hindi nahahawa sa pakikipagtalik at hindi nagdudulot ng kumplikasyon. Malamang na magkaroon nito kapag buntis, umiinom ng antibiotics, o may sakit gaya ng diabetes o AIDS.

Mga palatandaan:
• Maputi, mamuo-muong discharge, parang yogurt
• Matingkad na pulang balat sa labas at loob ng puwerta na dumudugo minsan
• Masyadong makati sa loob o labas ng puwerta
• Mahapdi kapag umihi
• May amoy na parang amag o panluto ng tinapay.

Bacterial Vaginosis;
Hindi nahahawa sa pakikipagtalik. Kung buntis, maaaring maging sanhi ito ng maagang pagsilang ng sanggol.

Mga palatandaan:
• Mas maraming discharge kaysa karaniwan
• Amoy isda, laluna pagkatapos magtalik
• Bahagyang pangangati

Trichomonas:
Hindi delikadong impeksyon pero pwedeng maging misereble sa pangangati. Madalas walang palatandaan ang lalaki pero daldala pa rin nya ang sakit sa kanyang titi at maipapasa ito sa iba sa pakikipagtalik.

Mga palatandaan:
• Kulay abo o dilaw at mabula na discharge
• Mabahong discharge
• Mapula at makati na ari at pwerta
• Masakit o mahapdi kapag umihi

Gonorrhea at Chlamydia:
Seryosong mga sakit pero madali itong mapagaling kung maagang gagamutin. Kapag hindi nagamot, maaaring magkaroon ng matinding kumplikasyon, pagkabaog pagbubuntis sa tubo palopo at pagkamatay.

Mga palatandaan sa babae:
• Kulay dilaw o berde na discharge mula sa pwerta o puwit
• Masakit o mahapding pag-ihi
• Lagnat
• Pananakit ng puson
• Pananakit o pagdurugo habang nakikipagtalik
• O walang anumang palatandaan

Palatandaan sa lalaki:
• Discharge mula sa titi
• Masakit o mahapdi na pag-ihi
• Pananakit o pamamaga ng bayag
• O walang anumang palatandaan

Mga Tumutubo sa Ari

Kulugo
Dulot ng virus na human papilloma. Kamukha ng kulugo sa ibang bahagi ng katawan ang kulugo sa ari. Pwedeng magkaroon ng kulugo sa ari na hindi nalalaman, lalu na kung nasa loob ng puwerta o loob ng dulo ng titi. Maaaring mawal lang ang kulugo kahit hindi ginagamot, pero pwedeng matagal na panahon ang abutin. Madalas patuloy itong lumalala at dapat gamutin.

Mga palatandaan:
• Pangangati
• Maliit, hindi masakit. Medyo maputi o kulay tsokolate na butlig na magaspang ang ibabaw.
- sa mga babae, madalas tumubo ang mga butlig na ito sa mga tiklop ng vulva, sa loob ng pwerta o sa palibot ng puwit.
- Sa mga lalaki, madalas tumutubo ito sa titi (sa loob ng kaunti), sa balot ng bayag, o sa puwit.

Pagsusugat sa Ari:

Syplhilis:
Malubhang SNP ito. May mga epekto ito sa buong katawan at pwedeng tumagal ng taon. Bunga ito ng bacteria na masusugpo ng gamot kung malulunasan agad.

Mga palatandaan:
• Unang palatandaan nito ang isang maliit at hindi masakit na sugat na pwedeng mukhang taghiyawat, paltos, namamasang kulugo, o bukas na sugat o ulcer.
• Tumatagal ng ilang araw o linggo ang sugat at pagkatapos ay kusang nawawala. Pero patuloy na kumakalat sa buong katawan ang sakit.
• Pagkaraan ng ilang linggo o buwan, maaaring magkaroon ng namamagang lalamunan, lagnat, pamamantal o rashes (laluna sa palad at talampakan, sugat o singaw sa bibig, o namamagang kasukasuan.

Chancroid:
Isang SNP na dulot ng bacteria.

Mga palatandaan:
• Isa o higit pang malambot, samakit na sugat o ulcer sa ari o puwit na madaling dumugo.
• Namamaga at masakit na kulani malapit sa ari.
• Mababang lagnat o sinat.

Herpes sa ari:
Sanhi ito ng virus. Pwedeng magkaroon nito sa ari o sa bibig. Magbubuga ito ng mga sugat o singaw na lumalabas at nawawala sa loob ng ilang buwan o taon. Wala pang gamot na nakapagpapagaling sa herpes, pero may panlunas para bumuti ang pakiramdam mo.

Hindi lahat ng singaw ng herpes sa bibig ay nakakalat sa pakikipagtalik. Madalas magkaroon ang mga bata’t matanda ng singaw ng herpes sa bibig kapag mayroon silang sipon o lagnat.

Mga palatandaan:
• Makati, masakit o parang may tumutusok na pakiramdam sa palibot ng ari o sa binti.
• Maliliit na paltos na pumuputok at nagiging masakit at bukas na sugat sa ari.

Iba pang mga INP:


AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome)
Nahahawa sa pakikipagtalik. Dulot ito ng virus na HIV (Human Immunodefficiency Virus). Nakakalat ito kapag nakapasok sa katawan ng ibang tao ang dugo, likido mula sa pwerta o tamod ng taong may impeksyon na ng HIV. Maaari ring maipasa ang HIV sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugong may HIV, paghihiraman ng iniksyong kontaminado ng virus.

Palatandaan:
• madalas na walang palatandaang lumalabas sa loob ng 5-10 taon o higit pa.
• Kung malala na ang impeksyong dulot ng HIV, maaaring makita ang mga ito: hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang, madaling pagkapagod, madalas na pagtatae o pagtitibi, pananakit ng mga (glands) sa leegg, kilikili at singit, paghabol ng hininga at matigas na ubo.

Hepatitis B:
Mapanganib na impektong dulot ng isang virus na pumipinsala sa atay. Naikakalat ito kapag ang dugo, laway, likido mula sa pwerta, o tamod ng isang taong may impeksyon na ng virus ay nakapasok sa katawan ng ibang tao. Madali itong kumalat mula sa isang tao papunta sa iba, laluna sa pakikipagtalik.

Palatandaan:
• Lagnat
• Walang ganang kumain
• Pagod at nanghihina ang pakiramdam
• Madilaw ang mata / o balat
• Pananakit sa tiyan
• Kulay madilim na ihi at namumuting dumi
• Walang anumang palatandaan

Mga pamamaraan ng pag-iwas:
1. Alamin ang tungkol sa SNP
2. Huwag makipagtalik
3. Maging tapat sa isa’t isa (monogamouse relationship)
4. Laging gumamit ng condom at siguraduhing tama ang paggamit nito

Kung mayroon ka nang SNP o sa tingin mo ay nasa panganib ka na mahawa:
1. Gamutin ng maaga at huwag maghintay hanggang malala na ang sakit. Magpakonsulta sa duktor o health worker. Huwag gamutin ang sarili.
2. Tiyaking maubos mo ang lahat ng gamot, kahit magsimulang mawala ang mga palatandaan ng SNP. Huwag bumili ng bahagi lang ng gamot. Maaaring hindi ka gumaling o lumala pa ang SNP kung hindi ka susunod sa paraan ng pag-inom ng gamot.
3. Bumalik sa doktor upang makatiyak na magaling na at maiwasan ang paglala o mga kumplikasyong dulot ng SNP.
4. Ipa-check-up ang iyong kapartner at tulungan na sumabay sa pagpapagamot.
5. Huwag makipagtalik sa panahon ng gamutan o gumamit ng condom kung makikipagtalik.
6. Huwag gumamit ng mga panghugas sa kalob-looban ng pwerta. Ito ay hindi nagbibigay lunas sa SNP at maaari pang makapagpalala.

Emergency Contraception

Emergency Contraceptive Pills – pildoras na may sangkap na hormone tulad ng estrogen at progestin

Paano ito gumagana?
- Pinapabagal ang paggalaw ng semilya
- Pinipigilan ang paglabas ng hinog na itlog
- Pinipigilan ang pagbaon ng pertilisadong itlog sa dingding ng matris

Paano ang tamang paggamit?
Low Dose Pills (May 30mcg Ethinylestradiol at 150 mcg levonorgestrel)
- uminom agad ng 4 na pills
- Uminom ulit ng 4 pills pagkalipas ng 12 oras

High Dose Pills (May 50 mcg Ethinylestradiol at 250 mcg Levonorgestrel)
- Uminom agad ng 2 pills
- Uminom ulit ng 2 pills pagkalipas ng 12 oras

Mini Pills (Progestin-Only Pills/POP)
- uminom agad ng 20 pills
- uminom ulit ng 20 pills pagkalipas ng 12 oras

Ispesyal na ECP
- Uminom agad ng 1 pill
- Uminom ulit ng 1 pill pagkalipas ng 12 oras

Bentahe:
- Nababawasan ng 75%-99% ang tsansang mabuntis bunga ng di-protektadong seks
- Walang estrogen ang mini pills kaya mas kaunti ang dulot na pagkaduwal.

Disbentahe:

- Hindi tatalab kung buntis ka na
- Bumababa ang bias pag paulit-ulit ang pag-inom sa loob ng isang buwan
- Bawal sa babaeng may kanser sa suso o ari, sobrang taas ng presyon ng dugo, paninikip sa dibdib o nagkaroon ng stroke
- Posibleng may epekto na pananakit ng suso, pagduduwal, pagsusuka, sakit ng ulo, pagkahilo pero may gamut para ditto.
- Gumagana lang ang mini pills kung maiinom sa loob ng dalawang araw pagkatapos ng di protektadong seks
- Epektibo ang ibang pills kung maiinom sa loob ng 72 oras (3 araw) pagkatapos ng di protektadong seks
- Hindi proteksyon sa STI at HIV at AIDS

Family Planning

Ano ang Pagpaplano ng Pamilya?
• Ang pagpaplano ng pamilya ay isang proseso na kung saan ang mga mag-asawa o indibidwal ay gumagawa ng desisyon tungkol sa mga layunin sa pagbuo at pagpapalaki ng pamilya
• Kasama din sa desisyon ang pagkakaroon ng anak sa gustong bilang at gustong panahon.
• Napipigilan ang mga pagbubuntis at pagkamatay
• Ang Kahalagahan sa Ina:
- edad na mababa sa 18 taong gulang o higit pa sa 34 na taong gulang
- nasa pang- apat na pagbubuntis
- malapit na pagitan ng pagbubuntis ( mababa sa 3 taon )
- may TB, Malarya, Animya ( iron deficiency anemia nang mabuntis ), sakit sa bato, sa puso, diabetes, altapresyon at ketong.
• Nagpapaganda ng kalusugang mental
• kapag mas kaunti ang anak ay mas marami ang pagkain para sa bawat isa
• Kapag kaunti ang anak, maaring maraming panahon para sa sarili at mga anak.
• nakakatulong na masiyahan ang magkapartner, lalo na ang babae sa pakikipagtalik, dahil di na mangangamba sa di- gustong pagbubuntis

Ligtas ba ang Pagpaplano ng Pamilya?
1. Mas ligtas ito kaysa sa pagbubuntis at panganganak:
- Sa 15,000 na mga babaeng nabubuntis – 500 ang malamang na mamatay sa problema sa pagbubuntis at panganganak.
- Sa 15,000 babaeng gumagamit ng paraan sa pagpaplano ng pamilya ay iisa ( 1 ) lang ang malamang na mamatay mula sa paggamit nito.

Anu-ano ang paraan sa Pagpaplano ng Pamilya?

May Limang ( 5 ) pangunahing klase ng paraan sa Pagpaplano ng Pamilya:
1. Panghadlang na paraan ( barier method ) na pimipigil sa pagbubuntis sa pamamagitan ng pagharang sa semilya na marating ang itlog. Hal. KONDOM
2. Hormonal na paraan na pumupigil sa obaryo ng babae na maglabas ng itlog, nagpapahirap sa semilya na marating ang itlog at pumipigil sa lining o dingding ng matris na masuportahan ang pagbubuntis. Hal. Pildoras at iniksyon
3. IUD na pumipigil sa semilya ng lalaki na mapertilisa ang itlog ng babae
4. Permanenteng paraan- isterelisasyon ( operasyon para di na magkaanak ) Hal. Vasectomy para sa lalaki at Tubal Ligation para sa babae.
5. Natural na mga paraan na tumutulong sa babaeng malaman kung kailan fertile o mabunga, para maiwasang makipagtalik sa panahong iyon. Hal. Pagpapasuso sa unang anim na buwan, mucus method at rhythm method

May tradisyunal na pamamaraan gaya ng “Withdrawal” o paghugot. Ito ay hindi nirerekomendang paraan dahil sa pre-ejaculation na nagaganap sa mga kalalakihan. Ang premature ejaculation ay ang paglabas ng likido na may semilya mula sa ari ng lalaki na maaaring makabuntis sa babae.

Artipisyal at Natural na mga pamamaraan:

Paraang pansamantala o pang-agwat:

Condom – gawa sa manipis na goma

Paano ito gumagana?
- hinaharang ang pagpasok ng semilya sa loob ng matris

Paano ang tamang paggamit?
- inilalagay habang matigas o nakatayo ang titi bago makipagtalik
- Isang beses lang ang gamit ng bawat condom
- Itago sa tuyong lugar na mayo sa init
- Kung mabutas o di-sadyang matanggal, gumamit ng ECP

Bentahe:
- Medyo mataas ang bias (85%) pag wasto ang paggamit
- Hindi kailangan ang reseta ng duktor/ health worker
- Walang masamang epekto sa katawan
- Hindi maaapektuhan ang buwanang regla
- Proteksyon laban sa STI at HIV at AIDS

Disbentahe:

- Pwedeng mapunit o mabutas kapag hindi tama ang paglagay
- Pwedeng mag-allergy sa goma
- Sa ilan, nakakaabala sa pakikipagtalik ang pagsuot nito

Pills – Pildoras na may isa o dalawang hormone katulad ng sa babae, estrogen at progestin

Paano ito gumagana?
- Pumipigil sa obaryo na maglabas ng itlog
- Pinakakapal ang mucus sa bukana ng matris para pigilan ang pagpasok ng semilya sa matris
- Pag nagsimulang uminom ng pills, 7 araw pa bago ito epektibong tatalab sa pagpigil sa pagbubuntis.

Paano ang tamang paggamit?

- Inumin araw-araw sa parehong oras
- Kung hindi nakainom ng isang pill, uminom agad ng isang pill sa oras na maalala at isa pa sa takdang oras ng pag-inom
- Kung dalawang araw na hindi nakainom, uminom kaagad ng isang pill sa oras na maalala at isa pa sa takdang oras ng pag-inom. Kinabukasan, uminom ng 1 pill sa umaga at 1 pill sa takdang oras ng pag-inom.
- Kung tatlong araw o higit pa na hindi nakainom ng pills, itigil ang paggamit ng pills at hintayin ang susunod mong regla. Gumamit ng condom kung makikipagtalik. Simulan ang bagong pakete ng pills sa unang araw ng regla.
- Kailangang magpatingin sa health worker bago uminom ng pildoras para malaman kung ligtas at bagay sa pangangatawan ang paggamit.

Bentahe:
- Mataas ang bisa (92-99%)
- Nagiging regular ang regla
- Nababawasan ang dysmenorrhea
- Bumabalik kaagad ang kakayahang magbuntis sa sandaling itigil ang pag-inom
- Nakakapigil ng kanser sa suso, cyst sa obaryo at anemia
- Mas mahusay ang progestin only pill para sa mga nagpapasuso dahil walang estrogen na nakakabawas sa gatas ng ina. Pwedeng simulan sa ika-6 na lingo pagkapanganak.

Disbentahe:
- Pagkahilo/ pagkaduwal, pagdurugo, dagdag na timbang, sakit ng ulo, pagiging sumpungin para sa ilang babae sa unang buwan
- Pwedeng mabuntis kung nalimutang inumin
- Bawal sa mga edad na 35 pataas na naninigarilyo ng 15 stick o higit pa (kada araw?)
- Bawal sa may matinding problema sa puso, inatake o na-stroke
- Walang proteksyon sa STI at HIV at AIDS
- Pwedeng simulan 3 linggo pagkapanganak ang pills na may estrogen at progestin kung hindi nagpapasuso.

DMPA (Depot-Medroxy Progesterone Acetate)
- Iniiniksyon na may hormong progestin tuwing ika-3 buwan

Paano ito gumagana?
- pumipigil sa obaryo na maglabas ng itlog

Paano ang tamang paggamit?

- Iniiniksyon sa braso o pigi tuwing ika-3 buwan
- Mas maiging matingnan kung bagay sa pangangatawan ng gagamit

Bentahe:
- Mataas ang bias (97% epektibo)
- Mas konte ang side-effects na dulot ng hormong estrogen
- Pwede sa nagpapasusong ina
- Matagal ang proteksyon sa pagbubuntis (3 buwan)
- Naiiwasan ang pagbubuntis sa labas ng matris
- Nakakabawas o nakapipigil ng anemia, kanser sa dingding ng matris at sa obaryo.

Disbentahe:

- delay sa pagbalik ng kakayahang magbuntis (karaniwang 10 buwan mula sa petsa ng huling iniksyon)
- Sa ilang babae sa umpisa: pananakit ng ulo, pagkahilo, pagiging sumpungin, di regular/ walang regal sa unang taon ng paggamit (normal lang ito)
- Walang proteksyon sa STI at HIV AIDS.

Copper T IUD – Maliit at malambot na bagay na hugis “T” na gawa sa plastic at tanso

Paano ito gumagana?
- Pinipigilan ang semilya ng lalaki na mapertilisa ang itlog ng babae

Paano ang tamang paggamit?
- Inilalagay ng health worker na may pagsasanay sa loob ng matris

Bentahe:
- Mataas ang bias (99%) at ligtas hanggang sampung taon
- Pwedeng ipatanggal kung kalian gusto
- Hindi sagabal sa pakikipagtalik
- Nakakabawas sa tsansa ng ectopic pregnancy

Disbentahe:
- Sa ilang babae, sa umpisa’y nagiging di regular o malakas at mas masakit ang pagreregla
- Bawal sa mga may impeksyon/ STI pero pwedeng gamitin pag nagamot na
- May ilang allergic sa tanso
- Walang proteksyon sa STI at HIV at AIDS

Mga Paraang Permanente:

Ligation o BTL
– Pagputol at pagtali ng tubong daluyan ng itlog ng babae (Fallopian tube)

Paano ito gumagana?
- Pinipigilan ang pagsamib ng itlog at semilya

Paano ang tamang paggamit?

- Pinuputol at tinatalian ang magkabilang fallopian tube
- Isang maliit na operasyong tumatagal nang 20-30 minuto
- Madalas kailangan ng pampamanhid (anesthesia)

Bentahe:
- Mataas ang bias (99.5%)
- Walang side effects o epekto sa kalusugan o kakayahang makipagtalik
- Sa maraming kaso, habambuhay na protektado
- Nakakatulong makaiwas sa kanser sa obaryo
- Walang epekto sa kakayahan ng babae na gampanan ang mga regular na Gawain
- Isang beses lang ang gastusan

Disbentahe:
- Hindi proteksyon sa STI at HIV at AIDS

Vasectomy – pagputol at pagtali ng tubong daluyan ng semilya (vas edeferens) ng lalaki

Paano ito gumagana?
- Walang semilya ang tamod na lumalabas kaya walang pagsasanib ng itlog at semilya

Paano ang tamang paggamit?

- Kinakapa, pinuputol at tinatalian ang tubong daluyan ng semilya na nasa dakong itaas ng bayag
- Isang maliit na operasyong tumatagal ng 10 minuto
- Di na kailangan ng pampamanhid

Bentahe:
- 99.9% na mabisa
- Walang side effects o epekto sa kalusugan o sa kakayahang makipagtalik
- Pwedeng gawin sa klinika o tanggapan
- Isang beses lang ang gastusan

Disbentahe:

- May konting kirot sa bayag hanggang 3 araw matapos ang operasyon
- Hindi proteksyon sa STI at HIV at AIDS
- Di kaagad ang bias: kailangan ng 3 sperm count test na walang semilya o ng 20 ulit na pagpapalabas ng semilya o 3 buwan bago maging mabisa.

Natural Family Planning

Cervical Mucus Method (CMM) o Wet and Dry Method – pag-obserba sa mucus na lumalabas sa pwerta (pwedeng mabuntis kapag mamasa-masa, hindi pwedeng mabuntis kapag tuyo, di mabunga)

Basal Body Temperature – Pagkuha ng temperature ng katawan (tumataas ang temperature kung kalian pwedeng mabuntis ang babae)

Sympto-Thermal Method – Kumbinasyon ng CMM at BBT

Paano ito gumagana?
- Tinataymingan na hindi magsanib ang itlog at semilya sa pagtatalik

Paano ang tamang paggamit?
- Kailangang kumbinasyon ng dalawang paraan ang paggamit ditto.
- Kailangang komunsulta sa health worker para sa kumpleto at tamang impormasyon sa paggamit
- Kailangan ng anim na buwang obserbasyon sa siklo ng regal, obulasyon at pertilidad ng babae. Sa panahon ng obserbasyon, kailangang gumamit ng ibang paraan ng family planning.

Bentahe:
- Walang side effects
- Walang epekto sa nagpapasuso o sa gatas ng ina
- Natuturuan ang mga magpartner tungkol sa pertilidad
- Kaunti o walang gastos

Disbentahe:
- magtatagumpay lang kung patuloy ang kooperasyon ng babae at lalaki
- kailangan ng mahigpit na pagbabantay ng magpartner sa siklo ng regal ng babae
- Hindi proteksyon sa STI at HIV at AIDS
- Pwedeng maapektuhan ang siklo ng regal pag may bagabag at may pagbabago karaniwang gawi at buhay.

Lactational Amenorrhea Method (LAM): - Pagpapasuso na pumipigil sa natural na siklo ng regal

Paano ito gumagana?
- Pinipigilan ang paglabas ng itlog o pagiging mabunga ng babae

Paano ang tamang paggamit?

- Puro (walang ibang iniinom kahit tubig) at tuloy-tuloy na pagpapasuso sa sanggol
- Epektibo sa unang anim na buwan pagkatapos manganak; hindi na epektibo pag nagregla.

Bentahe:
- Mabisa (98%) pag tama ang paggamit
- Nakakatulong ang gatas ng ina sa nutrisyon ng bata at proteksyon sa sakit
- Walang gastos o kung meron man ay maliit lang
- Pwedeng gamitin kaagad pagkapanganak

Disbentahe:
- nasa babae ang buong responsibilidad para mapigilan ang pagbubuntis
- Walang proteksyon sa STI at HIV at AIDS

Bisa sa Bawat Pamamaraan: Sa Bawat 100 Babae na Gagamit ng Kontraseptibo sa loob ng Isang Taon, Ganito karami ang mabubuntis

Condom - 12 babae
Pills CoC - 3 babae
Pilss PoP - 5 babae
DMPA - mamaba sa 1
IUD- 1 babae
LAM (unang 6 buwan) - 2 babae
NFP (natural) - 20 babae
ligation at vasectomy - mababa sa 1 babae
walang ginagamit - 85

Menstruation (Regla)

Buwanang Regla

Minsan sa isang buwan sa kapanahunang reproduktibo ng babae, naglalabas ito ng madugong likido mula sa kanyang matris at dumadaan sa pwerta palabas ng katawan. Ang pagrergla ay hudyat na maaari nang mabuntis ang babae. Naglalabas ng isang hinog na itlog mula sa obaryo at dumadaan sa anurang punlay patungong matris ang isang babae kada buwan. Kapag walang semilya ng lalaki na sumnib sa itlog, walang pagbubuntis na maaaring maganap at siya ay magkakaregla.

Magkakaiba sa bawat babae ang buwanang siklo. Nagsisimula ito sa unang araw ng regla. Nireregla tuwing 28 araw karamihan ng babae. Ang pagreregla na tumatagal ng 23-25 araw lamang ay normal pa rin.

Bago mag-obulasyon:
Sa tuwing pagreregla, may mga butlig o follicle sa obaryo na naglalabas ng hormong estrogen at progesterone. Ang mga hormong ito ay nagpapakapal sa sapin ng matris o endometrium at nagpaparami ng dugo. Ang pagkapal ng sapin ng matris ay nagaganap upang ihanda ang pagdating ng nagsanib na itlog at punlay.

Obulasyon
Higit-kumulang 12 araw matapos ang unang araw ng pagreregla, ang obaryo ay naglalabas ng hinog na itlog. Ang twag ditto ay obulasyon. Ang hinog na itlog ay naglalayag patungo sa matris. Kung may mga punlay, maaaring masaniban o mapertilisa ang itlog.

Pagkatapos ng obulasyon
Ang sapin ng matris ay patuloy na kumakapal at naglalabas ng masustansyang bagay na nagsisilbing pagkain o nutrisyon bilang paghahanda sa pagbubuntis. Kung ang itlog ay hindi nasaniban ng punlay, ang mga obaryo ay magpapatuloy gumawa ng hormong estrogen at progesterone sa susunod n higit-kumulang 12 araw. Habang ang dami ng estrogen at progesterone ay kumokonti sa mga huling araw, ang mga ugat sa matris ay magsasara at ang sapin nito ay hindi na tumatanggap ng sustansya.

Regla
Dahil hindi nasaniban ng punlay ang itlog, ang sapin ng matris ay malalagas. Ito ang regla. Habang may regla, ang karamihan sa sapin ng matris ay nalalaglag subalit ang ikatlong bahagi pababa ay mananatili upang gumawa ng panibagong sapin. Matapos ang regla, umpisa na naman ng bagong siklo, bagong butlig o follicle ang tutubo at magpoprodus ng hormong estrogen at progesterone para sa pagbuo ng panibagong sapin sa matris.

Mga problema sa pagreregla:

Pagbabago sa pagdurugo
Minsan hindi naglalabas ng itlog ang obaryo. Kapag nangyari ito, mas kaunti ang progesterone ang ginagawa ng katawan, na makakabago sa dami at dalas ng pagdurugo ng babae. Ang mga batang babae na kasisimula pa lang magregla at mga ina na kahihinto pa lang sa pagpapasuso ay pwedeng maging irregular ang regla. Sa paglipas ng panahon, madalas ay nagiging regular na ang kanilang siklo.

Spotting – para sa mga babaeng gumagamit ng kontraseptibong may
hormone.

Pre-menopausal – pwedeng magkaroon ng mas malakas o mas madalas na regla kumpara noong mas bata pa sila. Habang lumalapit sa menopause, pwedeng huminto ang regla nang ilang buwan, at pagtapos ay magsimula ulit.

Pananakit kasabay ng regla
Sa panahon ng pagreregla, umiipit o umiimpis ang matris para itulak palabas ang lining. Pwedeng magdulot ang pag-ipit ng pananakit sa puson o ibabang parte ng likod, na tinatawag minsan na paghilab o pamumulikat. Pwedeng umandar ang pananakit bago magsimula ang regla o sa pagsisimula nito.

Ano ang gagawin:
• Himasin ang iyong puson. Tumutulong ito na pakalmahin ang namimilipit na kalamnan.
• Punuin ng mainit na tubig ang isang botelyang plastic o anumang sisidlan, at ilapat ito sa inyong puson o ibaba ng likuran. Pwede ring gumamit ng ng makapal na telang binabad sa mainit na tubig.
• Uminom ng tsaa na gawa sa luya o mansanilya.
• Patuloy na gawin ang regular na trabaho
• Subukang maglakad o mag-ehersisyo
• Uminom ng gamut para sa katamtamang pananakit (Ibuprofen)
• Kung malaks din ang iyong regla at wala nang tumatalab na lunas, pwedeng makatulong ang pag-inom ng kontraseptibong pildoras na mababa ang dosis sa loob ng anim hanggang 12 buwan.

Pre-Menstrual Syndrome (PMS)
May masamang pakiramdam ang ilang bata’t nakatatandang babae ilang araw bago ang kanilang pagreregla. Maaaring may isa o higit pang grupo ng mga palatandaan na tinatawag na pre-menstrual syndrome. Pwedeng mapansin ang mga sumusunod:
• Masakit na suso
• Parang puno ang puson
• Hindi makadumi o constipation
• Pakiramdam na sobrang pagod
• Nananakit na kalamnan, lalu na sa ibabang likuran o sa puson
• Pagbabago sa pamamasa sa puwerta
• Dagdag na langtis o taghiyawat sa mukha
• Lubhang matindi o mas mahirap kontrolin na damdamin o emosyon

Pwedeng makatulong ang mga ideyang ito:
• Kumain ng mas kaunting asin. Nag-iimbak ng dagdag na tubig ang katawan dahil sa asin, na nagpapasama pa sa pakiramdam mong puno ang puson
• Subukang umiwas sa caffeine (na nasa kape, tsaa at iba pang softdrinks tulad ng cola)
• Subukang kumain ng pagkaing butil na hindi giniling, mani, sariwang isda, karne, gatas o iba pang pagkain na mataas sa protina. Kapag ginamit ng katawan ang mga pagkaing ito, inilalabas din ang anumang sobrang tubig; kaya mababawasan ang pakiramdam mong puno ang puson.

Reproductive System

Reproductive Physiology:

Female Reproductive System:
Ovary (Obaryo)
Naglalabas ng isang itlog bawat buwan sa tubo palopo Dalawa ang obaryo ng babae, isa sa magkabilang gilid ng matris. Kasinlaki ng kalamansi o duhat ang bawat obaryo.

Fallopian Tube (Tubo palopo/ anurang itlog)
Nagkukunekta ng matris sa mga obaryo. Kapagnaglalabas ng itlog ang obaryo, dumadaan ito sa tubo palopo patungo sa matris.

Uterus (Matris)
Isang bakanteng buslo ng kalamnan. Galing sa matris ang buwanang regla. Dito lumalaki ang dinadala sa pagbubuntis.

Cervix (serbiks)
Ito ang bukana o “bunganga” ng matris, ang bukasan papuntang puwerta. Nakakalusot ang semilya sa maliit na butas sa cervix para makapasok sa matris. Pinoprotektahan ng cervix ang matris mula sa ibang mga bagay, tulad ng titi ng lalaki. Sa panganganak, bumubuka ang cervix para makalabas ang sanggol.

Puwerta o puke:
Lagusan mula vulva papuntang matris ang pwerta. Gawa ang puwerta sa ispesyal na klase ng balat na madaling umunat habang nakikipagtalik o panganganak. Namamasa o naglalabas ng likido (discharge) ang pwerta na sumangsangga sa impeksyon at tumutulong para panatilihin itong malinis.


Male Reproductive System:
Vas deferens (Anurang punlay)
Daanan ng semilya mula sa testes patungong anurang ihi (urethra) at tuloy sa titi.

Testes (bayag)
Gumagawa ng semilya at panlalaking hormone na nagbibigay ng katangiang panlalaki. Nagsisimulang gumawa ng semilya sa pagbibinata, at tuloy-tuloy ang paggawa nito sa buong buhay niya.

Titi
Ang pangunahing bahagi ng reproductive system ng lalaki.

Tamod o semen: kasamang lumalabas ng semilya ng lalaki palabas ng titi kapag nakarating na sa rurok sa pakikipagtalik o pagbabate.

Ang semilya ng lalaki ay nabubuhay ng 3 araw sa loob ng reprosystem ng babae. Naglalabs ng 50million sperm per ejaculation.

Premature ejaculation ang tawag sa paglabas ng semilya ng lalaki kahit hindi pa nakararating ng sukdulan. Madalas, sa pagtayo pa lamang ng titi ng lalaki ay may lumalabas nang semilya.

Female Hormones:
Estrogen at Progesterone
Nagdudulot ng pagbabago sa katawan ng babae —ang pagdadalaga. Naghahanda sa katawan ng babae sa posibleng pagbubuntis. Nagsasbi din kung kalian ang obaryo maglalabas ng itlog (isang itlog kada buwan)

Male hormone:
Testosterone
Nagbibigay ng katangiang panlalaki gaya ng paglaki ng mga muscle, lakas at tibay ng buto, paglaki, paglaki ng boses, pagtubo ng mga buhok sa iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng bigote at balbas.